Sunday, May 19, 2019

b i l o y

Kami ay pinagtagpo. Matapos ang apat na taon, nakita ko ang lalakeng may malalim na biloy sa magkabilang pisngi.

Umattend kasi ako ng binyag. Ninang ako, habang siya naman ay ninong. Ayos lang.

Ang unang mga bungad na tanong ng mga tropa kong babae: "okay ka lang te?" "anong pakiramdam na makita siya muli?"

Me: Hindi ko pa talaga siya tinitignan.

Hindi ko alam ang aking mararamdaman ng makita ko siya o sadyang wala lang akong pakiramdam.

Sinabi na sa akin na darating siya, wala naman ako inaasahan sa aming pagtatagpo. Hindi naman siya ang dahilan ng aking pagsulpot. Hindi ko nga inaasahan na pupunta siya, dahil nung kasal hindi siya nakadalo.

Hindi kami nagusap. Hindi nya ako kinausap. Hindi ko rin siya kinausap. Hinintay ko siya magsalita, ngunit wala. May punto pa nga na nakatayo ako sa harapan nya dahil dun sa pwesto nya ang daan papunta sa aking upuan, ngunit hindi siya nagsalita, hindi nya ako matignan o kinausap man lang.

Aaminin ko ba na hinintay ko na kausapin niya ako? Para mawala ang ilangan. Sa totoo, medyo hindi kumportable sa pakiramdam, lalo pa at tanong ng tanong ang tropa kung okay lang ako, mas nakakadagdag sa pagkailang namin, na sakto lang naman ako dapat eh, chill lang kaya ako, na sana dapat wala ng ilangan pa. Sabi nga dba, ang tagal na nun? ngunit bakit parang nung isang linggo lang nangyari ang lahat base sa galawan ng lahat. Hindi ba pwedeng magusap usap tungkol sa ngayon at kalimutan na ang nakaraan? Wag na lang pagusapan ang nakalipas na para hindi na magkailangan pa. Nagmistula akong hangin sa kanyang harapan at ganun din siya sa akin. Tahimik ako, munti munting usap sa iba pero mas pinili ko manahimik. Hindi ko alam kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob na kausapin at makipagtawanan sa tropa, kasi ako, gustuhin ko man magsalita at sumali sa kwentuhan, wala akong boses. Walang tinig na lumabas sa aking bibig. Siguro mas pinili ko maging blanko. Mas pinili ko na wag na lang magsalita. Wag na lang. Ganun na lang.

Kanina, sinubukan ko siya tignan, sinadya ko siyang titigan, gusto ko malaman ang pakiramdam. Tinignan ko siya habang siya ay nakatalikod, hanggang siya ay humarap, hanggang sa paghithit niya ng yosi, hanggang sa pagngiti, hanggang sa pagtali ng kanyang buhok, hanggang sa pakikipagkwentuhan niya sa iba at sa aking pagsulyap sa kanya mula ulo hanggang paa, wala ako maramdaman o sinadya ko talaga na walang maramdaman.

At matapos siya pagmasdan, pinagmasdan ko ang paligid ko, ang mga bisita, ang tropa, at sa aking pagoobserba, nagdesisyon ako na umalis. Tumayo sabay paalam sa kanila ng nakangiti hanggang sa paglalakad ko papalayo sa lahat. Natapos ang pagbigkas sa isip ng "Masaya ako para sa inyong lahat." Pasensya, ngunit hindi ko na kakayanin magtagal pa ng isa pang oras kasama silang lahat.

Pahabol: may parte na nagtama ang aming mga mata. Hindi sadya, nagkataon lang na tinatawag siya ng katropang babae at sakto napatingin ako kayat nakatingin ako sa kanya at bumaling ang tingin nya sa akin. Natapos din ng biglang magtawanan ang tropa ng pagkalakas lakas. Kung ano ang kasunod? Ano ang naramdaman ko? Sasarilinin ko na lang. Ay teka, hindi ako sigurado o paniniwalain ko na lang ang sarili ko na walang ganung ganap para tapos na, wala ng tanong, tapos ang usapan.

Nais ko naman talaga magtama ang aming mga mata, magtitigan kami hanggang ang isa samin ang sumuko. Ang hindi maibulalas ng bibig ay maihahayag ng mga mata. Kung mangyayari yun, handa ako, matagal na akong handa, ngunit sa ganap na iyon kanina, siya ay hindi handa. Papaalala ko lang hindi ako kaaway, ngunit bakit sa akin ika'y ilag at hindi ko mawari ang dahilan ng pagiwas na naganap na para bang hindi tayo naging parte ng isat isa sa mahabang panahon. Ang weak nya sa parteng iyon, ngunit ayos lang. Kung anu ano ang naramdaman ko ay akin na lang iyon. Ginoo, sa ating muling pagkikita kung hahadyain ng tadhana. Kung hindi, ay ayos lang. Natutunan ko na minsan may mga bagay na kailangan tanggapin gaya ng salitang ayos lang, kahit hindi naman ayos, masasabi mong ayos lang talaga. Ito ay sa kadahilanang wala naman tayo magagawa eh. Kaya ayos na lang. Wala ka na nagawa at magagawa pa.. at.. AYOS LANG. :)

(o'. 'o)